MANILA, Philippines - Malaki ang tiwala ng liderato ng Liberal Party na masyadong maaga pa para malaman kung sino kina LP vice presidential frontrunner Senator Mar Roxas at Makati Jejomar Binay ang maidedeklarang panalo bilang pangalawang pangulo.
Ayon kay Liberal Party director general Chito Gascon, inaasahan nila na mababago pa ang pigurang inanunsyo ng Comelec at malaki ang posibilidad na mauungusan ni Roxas si Binay sakaling mabilang ng Comelec ang mga boto galing sa vote-rich provinces sa Visayas region at ilang bahagi ng Mindanao.
Sinabi ni Gascon na sa kasalukuyan ay hindi pa rin halos kumpletong natatanggap ng Comelec ang election result mula sa maraming probinsiya sa Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.
Samantala, nag-concede na rin si Legarda sa vice-presidential race kung saan ay nangunguna si Makati Mayor Jejomar Binay.
Sinabi ni Legarda sa kanyang press conference kahapon sa Makati City, bagama’t hindi siya pinalad na maging pangalawang pangulo sa nakaraang May 10 elections ay itutuloy pa rin niya ang kanyang mga pangako at programa upang makatulong sa mga magsasaka, mahihirap at mga kababaihan. May nalalabing 3 taon pa si Sen. Legarda bilang senador. Malou Escudero/Rudy Andal