Ako ang kalaban ni'yo - Erap

MANILA, Philippines - Nanindigan si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada na hindi niya papayagang magkaroon ng “failure of election scenario” upang agawin ang kanyang panalo at pangungunahan niya ang protesta sa tangkang panggugulo sa halalan sa Mayo 10.

Sinabi ni Estrada sa isang pulong-balitaan kahapon sa Club Filipino sa San Juan na napilitan siyang tumawag ng pagpupulong upang magbigay ng babala sa malawakang problema sa voting machines na gagamitin ng Commission on Elections.

Ang mga pangyayari, ayon kay Estrada na kandidatong presidente ng Puwersa ng Masang Pilipino, ay nauwi sa pag-init ng paniwalang magkakaroon ng failure of elections at ang inaasahan ng mga tao ay posibleng papunta sa kawalan.

Sinabi rin ni Estrada na ang kanyang kumpiyansang makabalik sa Malacañang ay batay sa pinakahuling survey kung saan ipinakikita na malaki ang laban niya sa nangungunang si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ng Liberal Party.

Binanggit din ni Mr. Estrada ang pinal na pagbabasura ng Comelec sa kanyang disqualification case bilang kandidato sa pagka-presidente.

“Higit sa pagkakabasura ng Comelec, mas lalong tumindi ang aking pagpupursige na ituloy ang aking laban base na rin sa mga tuminding resulta ng pinakahuling internal survey ng PMP na nagpakitang nilampaso na niya si Villar at halos hindi nalalayo kay Aquino,” paggigiit pa ni Estrada.

“Ang pinakaimportante,” dagdag ng dating pangulo, “siniguro nating ang respondents sa survey mula sa “D,” “E” at  “C” ay pawang may partisipasyon. Sa madaling salita, ang malaking bahagi ng ating mahirap na mga mamamayan ay natanong.”

Base sa nasabing survey, nakakuha si Aquino ng 34 na porsiyento; Estrada, 29 porsiyento at Villar, 15 porsiyento.

Show comments