MANILA, Philippines - Patuloy na lumalakas ngayon ang kandidatura ng nakakulong na kandidatong senador na si Col. Ariel Querubin matapos tumabo ng suporta mula sa malalaking organisasyon kabilang ang pangunguna sa ilang national survey ng Manila Broadcasting Corporation kamakailan.
Pinakahuling nagbigay ng suporta kay Querubin ang Ang Chinoy Party List, ang magiging kinatawan ng komunidad ng mga Filipino-Chinese sa bansa sa isinagawang simpleng seremonya nitong Lunes sa Binondo, Maynila.
Nitong nakaraang Abril 30, buong suporta ang ibinigay ng Araro Party List at Guardians Brotherhood Inc. kay Querubin sa ginanap na Kongreso ng samahan sa Aberdeen Court, Quezon City.
“Buong puso akong nagpapasalamat sa Guardians at Araro Party List sa suportang ibinigay ninyo sa akin. Hayaan ninyo, hindi kayo mabibigo sa inyong suporta dahil ipinaglalaban ko ang kapakanan at kagalingan ng mamamayan higit sa lahat,” giit ni Querubin.