2 Pinoy patay sa aksidente sa Saudi
MANILA, Philippines - Dalawang Pinoy ang kabilang sa apat katao na nasawi sa isang road accident sa Saudi Arabia nitong Lunes ng umaga.
Sa ulat ng Philippine Embassy sa Riyadh na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), nakarating na sa kanila ang balita ngunit biniberipika pa nila ito.
Ayon kay Vice Consul Roussel Reyes, inaalam na rin nila ang mga detalye ng aksidente, gayundin ang pagkakakilanlan ng mga biktimang Pinoy, na nagtatrabaho sa Forever Living.
Sa ulat, lumilitaw na dead on the spot ang dalawang Pinoy matapos na sumalpok ang sinasakyang kotse sa isang rumaragasang 10-wheeler truck, na sinasabing minamaneho rin ng isang Pinoy, dakong 8:00 ng umaga sa Al Quwayiyah, na may 150 kilometro ang layo sa Riyadh.
Patungo sana umano ang mga biktima sa Meccah para sa isang pilgrimage nang maganap ang aksidente, habang ang truck ay patungo naman sa Riyadh.
Kasama umano ng mga biktima sa kotse ang isang Pakistani at isang Saudi national, na pareho ring nasawi sa aksidente, dahil sa tindi ng impact nito.
- Latest
- Trending

















