MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng mga abogado ni Hubert Webb sa Supreme Court na utusan ang Parañaque RTC branch 274 na ibigay sa UP-Natural Sience and Research Center Institute ang semen na nakita sa rape victim na si Carmela Vizconde para sa DNA testing.
Sa pagsusuri na gagawin ng UP-NSRI, ang makikitang DNA sa specimen na hawak ng Trial court ay pagtatambalin sa DNA specimen ni Webb. Kapag hindi nag-match, posible umano na mapawalang sala si Webb sa lahat ng kaso na isinampa sa kanya.
Sinampa ng mga abogado ni Webb sa SC nuong Biyernes ang mosyon kaugnay ng pahayag ng National Bureau of Investigation na taliwas sa unang sinabi ng huli, wala na sa ahensiya ang specimen kundi inilipat ito sa trial court.
Nauna nang sinabi ni NBI director for technical services Reynaldo Esmeralda na isinumite ng NBI ang specimen sa RTC branch 274 bilang bahagi ng ebidensiya laban kay Webb. Sinabi ni Esmeraldo na ang hinahanap na semen specimen/vaginal smear na nakuha sa cadaver ni Carmela kabilang ang mga original documents tulad ng autopsy at laboratory tests, reports at litrato ay hindi na umano hawak ng NBI.
Ayon kay NBI Medico Legal Chief Dr. Florencio Arizala, tatlong glass slides ng semen specimen ang isinumite sa RTC.