MANILA, Philippines - Nagbabala ang Department of Health sa publiko laban sa umano’y pekeng mga “health workers” na nanghihingi ng bayad sa mga pagbabakuna ng AH1N1 vaccines.
Ayon kay DOH Secretary Esperanza Cabral, libre ang bakuna laban sa AH1N1 kaya’t walang dapat na ipag-alala ang publiko at mga magpapabakuna.
Ipinaliwanag din ni Cabral na hindi na kailangan pang magpabakuna ang mga taong may sintomas ng AH1N1 dahil ang vaccines ay ibinibigay lamang upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Sinuman ang positibo sa AH1N1 ay kailangan lamang na magpahinga hanggang sa mawala ang lagnat.
Ang mga buntis ang prayoridad na mabigyan ng vaccines matapos ang pagbibigay nito sa mga health workers dahil hindi lamang ang mga ito ang nasa panganib kundi maging ang sanggol sa kanilang sinapupunan.