MANILA, Philippines - Tiniyak ni dating Pang. Joseph Estrada na bibigyan niya ng prayoridad ang pagresolba sa problema ng mga public school teachers at ng mahigit sa 1.4 milyong kawani ng gobyerno sa serbisyo ng Government Service Insurance System (GSIS) sa sandaling makabalik siya sa Malacañang.
“Makatitiyak ang masang Pilipino na bilang na ang araw ng lahat ng tiwali sa gobyerno kabilang na ang mga nagkakanlong ngayon sa GSIS,” ayon kay San Juan City Mayor JV Ejercito.
“Ang tunay na reporma sa burukrasya ang isa sa mga prayoridad ni Pang. Erap sa unang 100 araw ng kanyang panunungkulan,” dagdag pa ni JV.
Ginawa ni JV ang pagtitiyak sa posisyon ni Erap sa reporma sa burukrasya matapos ang kilos-protesta kahapon ng mahigit 500 public school teachers sa harap ng GSIS building sa Pasay City sa pangunguna ni ABAKADA-GURO party list Rep. Jonathan dela Cruz, Teachers Dignity Coalition (TDC), Manila Public School Teachers Association (MPSTA) at iba pang samahan ng mga kawani ng gobyerno.
Ang protest caravan ay nilahukan ng mga titser mula sa mga public schools sa Metro Manila, Southern Tagalog, Central Luzon, Bicol at Ilocos region.
Ayon pa kay JV na tumatakbo ring kandidato sa Kongreso, labis na nalulungkot si Erap sa mga balita hinggil sa mga hindi natatanggap na benepisyo ng mga GSIS members at sa hirap na dinaranas nila sa administrasyon ni General Manager Winston Garcia.
Inaasahan na umano ni Erap na ‘bangkarote’ ang gobyernong iiwan ng rehimeng Arroyo dahil sa malawakang katiwalian sa gobyerno “at ang matinong pamamalakad ng GSIS ang pinakamabilis na solusyon upang agarang mabigyang benepisyo ang mga empleyado ng gobyerno.”