Rebelyon, murder vs Ampatuans tuloy!

MANILA, Philippines - Tuloy ang pagsasampa ng Department of Justice ng 57 bilang ng kasong pagpatay, pagdukot, pag­sira ng ari-arian at pag­nanakaw laban kina Ma­guindanao Governor Datu Andal Ampatuan Sr. at sa anak niyang si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. kaugnay ng naganap na madugong pamamaslang noong nakaraan taon sa 57 kataong kinabibilangan ng pamilya ng kanilang kalaban sa pulitika at mamamahayag sa Ma­guin­danao noong naka­raang taon.

Ito ang inihayag ka­hapon ni Acting Justice Secretary Alberto Agra.

Tinanggal naman sa listahan ng mga akusado sina Datu Zaldy “Puti” Ampatuan at Datu Akmad “Tato” Ampatuan Sr. dahil ang mga ebidensiyang prinisinta sa preliminary investigation ay napatuna­yang wala sila sa bahay ni Andal Sr. nang planuhin ang krimen noong Nob­yembre 22 at wala rin sila nang sumunod na araw sa pinangyarihan ng krimen.

Sa isang resolusyong pinirmahan ni Agra noong Abril 16, 2010, ibinasura ng DOJ ang magkahiwalay na petition for review ng mga abugado ng mga Ampa­tuan sa kadahilanang na­kakita sila ng “probable cause” sa naganap na ka­ rumal-dumal na krimen noong Nob. 23, 2009 na iki­nasawi ng ilang kamag-anak, abugado at taga-suporta ni gubernatorial bet Datu Esmael “Toto” Mangu­dadatu, kasama din sa na­sawi ay ilang mama­maha­yag na sumama sa kanila.

Sa kabilang banda, tinanggal naman sa modified resolution ng DOJ ang mga akusadong sina Zaldy Ampatuan at Datu Akmad Ampatuan Sr. sapagkat sila ay nakapagpakita ng matibay na ebidensya na magpapatunay na wala silang kinalaman sa krimen.

Ngunit sinabi ni Agra na hindi pa lubusang abswelto sa kaso si Zaldy Ampatuan sapagkat isinusulong pa rin ng DOJ ang kasong rebelyon laban sa kanya at sa iba pang mga Ampa­tuan. 

Show comments