700 lider sa Pasay tumiwalag sa NP, PMP
MANILA, Philippines - May 700 mga lider ng barangay at mga dating konsehal sa lungsod ng Pasay ang tumiwalag sa partido ng Nacionalista Party at Puwersa ng Masang Pilipino upang lumipat sa Liberal Party (LP) at suportahan ang mayoralty candidate ng LP at kasalukuyang bise alkalde Antonio Calixto.
Kahapon ay nagtipon-tipon ang mga bagong kasapi ng LP na dating mga kaalyado nina Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad at dating Congresswoman Connie Dy na tumatakbo rin bilang alkalde ng lungsod upang ihayag ang kanilang paglipat sa LP at sumuporta sa kandidatura ni Calixto.
Dumaan din sa naturang pagtitipon ang nakatatandang kapatid ni LP Presidential candidate Benigno “Noynoy” Aquino na si Pinky Aquino Javellana, kasama lamang ang kanyang driver at sekretarya at nagbigay ng maikling pahayag at pasasalamat sa tiwala at suportang ibinuhos ng mga Pasayeños sa kanyang kapatid.
Pinasalamatan naman ni Calixto si Pinky at tiniyak na kaisa ang buo niyang tiket sa ipinaglalabang pagbabago sa pamahalaan ni Noynoy, sampu ng mga barangay leader na boluntaryong sumapi sa kanilang partido.
Ipinagmalaki rin ni Calixto ang lumabas sa mga pahayagan kaugnay sa pinakahuling survey na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) kung saan nanguna siya sa mga kandidatong tumatakbo bilang alkalde ng lungsod.
Naniniwala si Calixto na sawa na sa pamumulitika ang mga leader na lumipat sa kanyang kampo kaya’t ihahatid naman aniya niya sa mga ito ang inaasahang pagbabago kapag siya ang nahalal.
- Latest
- Trending