Metro Manila, Mindanao nasa heightened alert na

MANILA, Philippines - Isinailalim na sa heightened alert status ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Metro Manila at Mindanao para sa isasagawang halalan sa darating na Mayo at sa pinalakas na opensiba upang lipulin ang nalalabi pang puwersa ng mga bandidong Abu Say­yaf sa rehiyon.

Kasabay nito, hiningi ni Defense Secretary Nor­berto Gonzales ang pang-unawa ng publiko sa pag­papaigting pa ng seguridad sa Metro Manila upang hindi makalusot dito ang mga bandidong Abu Say­yaf at iba pang mga arma­dong grupong kalaban ng batas na posibleng mag­sagawa ng pananabotahe.

Sinabi ni Gonzales na huwag magtaka ang ma­mamayan kung sa su­sunod na mga araw ay ma­kita ng mga ito ang pre­sensya ng mga sundalo na may mga dalang bomb sniffing K9 dogs sa mga malls at iba pang mata­taong lugar.

“Nakikiusap tayo, may konting paghihigpit sa seguridad sa mga airport, public places, malls etc, this is part of our pre­cautions,“ apela ng kalihim na sinabing hindi ito dapat ipag-panic ng mama­mayan.

Maghihigpit din sila sa seguridad sa entry at exit points ng Metro Manila at iinspeksyuning mabuti ang mga sasakyang lalabas at papasok sa National Ca­pital Region.

Umpisa sa Mayo 3 ay magsisimula ng bumuhos ang malaking puwersa ng AFP-NCRCOM sa Metro Manila at maging ang inalertong operatiba ng NCRPO kaugnay ng pagi-escort sa mga Precint Count Optical Scan (PCOs) automated ma­chine at ballot boxes bilang paghahanda sa halalan sa Mayo 10.

Sa kasalukuyan ay nasa 50 ang checkpoints sa Metro Manila na mag­katuwang na binabantayan ng AFP-NCRCOM at NCRPO personnel.

Show comments