Economic adviser ni GMA kumalas, lumipat sa LP
SAN CARLOS CITY, Negros Occidental, Philippines – Isa sa mga economic adviser ni Pangulong Gloria Arroyo na si Albay Governor Joey Salceda ang umamin kahapon na kakalas na rin siya sa maka-administrasyong Lakas-Kampi-CMD para suportahan ang kaeskuwela niya sa Ateneo na si Senador Benigno “Noynoy” Aquino III na kandidatong presidente ng Liberal Party.
Trabaho umano ngayon ni Salceda ang siguraduhin na landslide ang makukuhang boto ni Aquino sa Bicol.
Noon lamang umanong Lunes ng gabi tinanggap ni Salceda ang hamon ni Aquino na maging Bicol Regional Chairman ng LP.
Pormal na ihahayag ng LP ang pagsapi ni Salceda sa kanilang partido sa April 20.
Sa isang email, nagpasalamat si Salceda sa tiwala at pagkakataon na ibinigay sa kaniya ng Pangulo. Pero hind pa siya pormal na nakakapag-paalam sa Lakas-Kampi-CMD.
Kapwa nagtapos ng kursong Economics sa Ateneo University sina Aquino at Salceda noong 1981.
Samantala, ipinagmalaki ni Aquino na isa lang si Salceda sa mga maituturing na “big men” sa administrasyong Arroyo na lalantad at aanib sa partido nito.
- Latest
- Trending