Lahat i-psycho test!

MANILA, Philippines - Sa pangambang may maluklok sa Malacañang na may problema sa pag-iisip, maraming komento sa iba’t ibang forum at blog sa Internet ang pabor sa mungka­hing dumaan sa psycho test ang lahat ng kandidatong presidente.

“Wala namang masama sa Psycho test. Dapat lang talaga ayus-ayusin natin ang rekisitos sa isang pa­ngulo. Hindi basta basta yan. Mamaya magkaroon tayo ng pinuno na parang si Nero na sinunog ang buong kaharian dahil nga baliw siya. Psychological stability is very important,” reaksiyon ng isang Internet user na may pangalang “andrewgarcia.”

Ang reaksiyon ay ginawa ni “andrewgarcia” sa lumabas na ulat sa ABS-CBN website kaugnay sa mungkahi ni Nacionalista Party vice presidential candidate Loren Legarda na kailangan magkaroon ng psycho test sa lahat ng kandidato.

Maging si dating Senador Francisco “Kit” Tatad, senatorial candidate ng Partido ng Masang Pilipino, ay naniniwala na mahalagang matiyak na nasa tamang pag-iisip ang lahat ng kandidato.

Nakasaad naman sa komento ng isang internet user na si “dawn” na anim na taong manunungkulan ang mananalong presidente kaya dapat matiyak na malusog ang pag-iisip nito para harapin ang mga problema ng bansa.

Show comments