Ampatuan pinalilipat sa Bicutan

BAGUIO CITY, Philippines - Ipinag-utos kahapon ng Korte Suprema ang paglilipat ng kulungan kay Maguindanao massacre suspect Andal Ampatuan Jr.

Ayon kay Supreme Court (SC) spokesman Atty.Midas Marquez, mula sa National Bureau of Investigation (NBI) detention cell ay dapat kaagad itong ilipat sa Bureau of Jail Management Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwag,Taguig.

Bukod dito inatasan din ng SC si Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Jocelyn Reyes na magsagawa ng pagdinig sa Camp Bagong Diwa at madaliin ang pagdinig sa kaso.

Nilinaw naman ni Marquez na mayroong bukod na gusali ang BJMP sa loob ng Bagong Diwa kung saan ang ibang mga preso sa Quezon City Jail na hindi na kasya dito ay dinala na sa nasabing lugar at siyang makakasama ni Ampatuan Jr.

Idinagdag pa ni Marquez na mas mabuti nang mailipat ang pagdinig sa kaso upang hindi na rin maparalisado ang operasyon sa Kampo Krame dahil isinasara pa ito sa tuwing may hearing.

Magsasagawa naman ng final security arrangement ang SC kapag itinakda na ang pagdinig.

Show comments