Lakas nakakalas

MANILA, Philippines - Unti-unting nakakalas ang makaadministrasyong Lakas-Kampi-CMD dahil ilang lider nito ang naglalayasan na sa partido.

Kahapon, ipinalabas ni House Speaker Prospero Nograles ang isang pahayag na nagsasaad na maaa­ring magbitiw na siya sa Lakas dahil sa krisis sa liderato nito. Si Nograles na miyembro ng national advisory board ng partido ay dating vice chairman nito.

Ipinahiwatig ni Nograles na maaaring lumipat siya sa Nacionalista Party na pinamumunuan ng kandidato nitong presidente na si Senador Manny Villar.

Kasabay nito, inihayag din ni House Senior Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II na nagbibitiw na rin siya sa Lakas-Kampi at sasapi na siya sa Liberal Party na pinamumunuan naman ng kandidato nitong presidente na si Senador Noynoy Aquino.

Sinabi ni Gonzales na parang umuwi siya sa sarili niyang tahanan dahil miyembro ng LP ang yumao niyang ama.

Sa kanyang pahayag, inireklamo ni Nograles na maraming nangyayari sa Lakas-Kampi nang lingid sa kaalaman niya at ng kahit ilang matataas na opisyal ng partido. “Kahit man lang tawag sana para hindi naman kami nagugulat sa mga lalabas na balita kinabukasan,” dagdag niya. Hindi anya siya naiimbitahan sa mga pulong tulad noong nakaraang linggo hinggil sa pagbibitiw dito ng standard bearer na si Gilberto Teodoro Jr. bilang chairman at ni Miguel Dominguez bilang president.

Sa isang panayam, sinabi ni Gonzales na kahit noon pang panahon ng mga magulang ni Noynoy ay nakasama na ang mga Gonzales sa laban ng mga ito.

Show comments