MANILA, Philippines - Ibinuko ng isang iskolar ng isang Manila solon ang umano’y pagtapyas nito sa kalahati ng kabuuang budget ng Scholarship Program nito.
Sa isinumiteng sinumpaang salaysay ng mag-inang Corazon, 56 at Jayson Bartolome Loyola, 22, ng 198 M. Dela Fuente st. Sampaloc, Manila sa Office of the Ombudsman, inakusahan nito ang tanggapan ni 4th district Congw. Trisha Bonoan-David nang “panloloko” sa kanyang mga ka-distrito partikular sa kanyang mga scholars.
Sa joint affidavit ng mag-inang Bartolome, taong 2008 nang mag-apply ng scholarship sa tanggapan ni Bonoan-David ang batang Bartolome. Subalit sinabi ng staff nito na mahihirapang maisingit si Jayson dahil prayoridad ang anak ng mga barangay officials ng nasabing distrito.
Makalipas ang ilang araw ay isang staff ni Bonoan-David na kinilalala sa pangalang Evelyn Cruz ang nagsabing napabilang si Jayson sa listahan ng mga scholars at tatanggap ito ng P9,000 budget.
Subalit ikinagulat nila nang sabihin nito na hindi makukuha ni Jayson ang kabuuang halaga dahil kinakailangang ibalik sa tanggapan ng Kongresista ang kalahati ng kabuuang budget ayon na rin umano sa kautusan ng mambabatas.
Dala ng pangangailangan at sa nais na makapagtapos ng kursong Bachelor of Arts in Public Administration sa Eulegio Amang Rodriguez Institute of Science Technology (EARIST) ay tinanggap ng mag-ina ang naturang kondisyon na makuha ang halagang P4,500.
Naniniwala ang mag-ina na bahagi ng isang “scam” ang patakarang pagtapyas ng kalahati ng allowance para sa mga scholars. Tinatayang may kabuuang 3,700 scholars umano si Bonoan-David.