Rotating brownouts lumala
MANILA, Philippines - Lalo pang lumala ang nararanasang “rotating brownouts” sa Metro Manila at mga karatig lalawigan makaraang magpatupad kahapon ng tatlong oras na pagtigil sa suplay ng kuryente ang Manila Electric Company (Meralco).
Buhat sa dalawang oras nitong Miyerkules, nag-tatlong oras na ito kahapon dahil sa umano’y 800 megawatts na kakulangan sa suplay ng kuryente, ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco.
Una ng binanggit ng Department of Energy na tatagal pa ng 2 linggo ang mararanasang rotating brownout sa Metro Manila at malaking bahagi ng Luzon, dahil pa rin sa problema sa supply ng kuryente na sinabayan pa ng pag-aberya sa mga power grid stations.
Kabilang sa naturang mga planta ang Sual-2 power station sa Pangasinan, Sta. Rita modules 20 at 40 sa Batangas, Malaya Unit 1 sa lalawigan ng Rizal at coal-fired power facility sa Pagbilao, Quezon.
Sinisi naman ng nagpapatakbo ng Sual at Sta. Rita power plants ang matinding init ng panahon kung bakit nag-break down ang kanilang mga pasilidad.
- Latest
- Trending