MANILA, Philippines - May malaking gulo na sa loob ng Liberal Party matapos sumambulat ang biglaang pagbaklas ni Senador Mar Roxas sa media team na ipinagamit ni Senador Francis Escudero na tumutulong sa kampanya ni presidential bet Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ayon sa ilang impormante sa loob ng LP, bukod sa iringan nina Roxas at Escudero ay mayroon pang mas malalim na hidwaan na nangyayari sa partido na nagsimula pa noong isang taon nang biglang umeksena si Aquino bilang presidentiable makaraang bumango ang pangalan nang mamatay ang nanay na si ex-President Cory Aquino.
Ayon sa impormante, ang mayorya, kung hindi man lahat ng nagpapatakbo sa LP, ay naniniwala na higit na may kakayahan si Roxas na magpatakbo ng bansa kaysa kay Aquino.
“Naniniwala pa rin ang halos lahat sa amin na mas may karapatan si Roxas na maging presidential candidate. Kung bumango man si Sen. Aquino dahil sa pagkamatay ni Cory, sana nag-vice (president) na lang siya, courtesy man lang kay Mar na nauna ng nakapuwesto sa kanya,” anang impormante.
Ikinasama rin umano ng loob ng mga panatiko ng LP ang ginawang pagbanat ng mga tagasuporta ni Aquino kay Roxas para pahinain ang popularidad nito gayung ang huli ang presidente ng partido nilang LP.
Sa hiwalay na kampanya ni presidential candidate Sen. Richard Gordon, sinabi nito sa media na mas kuwalipikado pa si Sen. Lito Lapid na maging pangulo kesa kay Aquino.
Ibinatay ni Gordon ang karanasan ni Lapid na ilang taong naging gobernador ng Pampanga at may naipasang batas kumpara kay Aquino na siyam na taon naging mambabatas pero walang naipasang batas kahit isa.