MANILA, Philippines - Ikinasa ng mga samahan ng bus at trak sa bansa ang isang malawakan at malakihang transport holiday kasa bay ng pagbabalagbag ng kanilang sasakyan sa may north at south Luzon expressways oras na ipatupad ng pamahalaan ang 12% EVAT sa toll fee.
Sinabi nina Orlando Mercado, Pangulo ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) at Homer Mercado, pangulo ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP), hindi dapat ipatupad ang 12 percent EVAT sa toll fee dahil wala namang naganap na public hearing ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa hanay ng transport groups at sa mga may ari sasakyan para maipatupad ito sa Abril 30.
Kinondena din ng naturang mga grupo ang Toll Regulatory Board dahil sunud-sunuran lamang umano ito sa sinasabi sa kanila ng BIR at hindi muna kumukunsulta sa kanila.
Hindi anila napapanahon na maipatupad ang 12% EVAT sa toll fee dahil mahal ang bilihin sa ngayon bukod sa piyesa ng mga sasakyan at maintenance gayundin ng mga produktong petrolyo.
Takda silang magsampa ng TRO sa Korte Suprema oras na maipatupad ng BIR ang naturang hakbang.