MANILA, Philippines - Pumasok sa kauna-unahang pagkakataon si Nacionalista Party spokesman at senatorial candidate Gilbert Remulla sa “magic 12” sa mga tumatakbo sa pagka-senador.
Sa survey ng Social Weather Stations, 24% ng mga botante ang boboto kay Remulla, sapat upang makuha nito ang pang 12 pwesto kung ngayon gagawin ang halalan. Ang survey ay kinomisyon ng Businessworld at isinagawa nung March 19-22, 2010 at may 2,100 respondents.
Si Remulla, dating broadcast journalist at naging congressman ng Cavite bago tumakbo sa Senado, ay tinatayang aakyat pa dahil sa buhos ng suporta mula sa iba’t malalaking tao at mga organisasyon.
Si Remulla ang humawak ng pagdinig sa Kongreso ng kontrobersyal na “Hello Garci Scandal” na nag-uugnay kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pandaraya sa 2004 presidential elections.
Isang iskolar ng bayan na nag-aral sa University of the Philippines, si Remulla rin ang ang pinakabata sa edad 39 na pumasok sa hanay ng mga malamang manalong pagka-senador. Karamihan ng kanyang mga kasama sa “winning column” ay pawang mga reelectionist o dati ng mga senador.
Sinabi ni Remulla na lalo niyang pagbubutihin ang kanyang kampanya at maikalat ang kanyang platapormang kabuhayan, edukasyon, at pabahay. (Butch Quejada)