MANILA, Philippines - Ikinagulat ni Nacionalista Party standard bearer Sen. Manuel Villar Jr. ng malaman na maging ang bunsong anak ni Kris Aquino na si Baby James ay kanyang ‘fan”.
Hindi makapaniwala si Sen. Villar ng mapanood ang video footage ni Baby James na sinasabi ang kanyang pangalan sa isang campaign sortie ng Liberal Party sa Bacolod City.
Ayon kay Villar, natutuwa siya kasi ang mga bata ay busilak ang kalooban at hindi nagsisinungaling.
Isinama ni Kris ang kanyang anak na si Baby James sa isang campaign ng LP sa Bacolod City kamakailan kung saan ay inuutusan sana ni Kris na magsabi ng ‘hello’ si Baby James sa crowd subalit biglang ang sinabi nito ay “Villar!”
Nagpapasalamat naman si Villar kay Baby James dahil patunay lamang ito na epektibo ang kanyang jingle dahil lahat ng bata ay alam nilang kantahin ito. (Rudy Andal)