MANILA, Philippines - Kinansela na lamang ng pamunuan ng Commission on Elections ang awarding at delivery ng P690-milyong kontrata para sa “ballot secrecy folders” na gagamitin sana sa May 10 automated elections.
Kasunod na rin ito ng pagbubunyag ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na nagsabing bawat isang ballot secrecy folder na gagamitin ng Comelec ay overpriced at nagkakahalaga ng P380 bawat isa.
Lumilitaw na inirekomenda ng Bids and Awards Committee ng Comelec noong Marso 8 ang pag-a-award ng kontrata sa OTC Paper Supply company upang siyang magsuplay ng 1,815,000 pirasong ballot secrecy folder na may habang 25 pulgada bawat isa, para sa eleksiyon.
Kaagad namang binawi ng Comelec ang kontrata matapos na madiskubre sa ginawang re-deliberation na sobrang “garbo” ng mga naturang folder kumpara sa ordinaryong folder na siyang kinakailangan lamang ng Comelec.
Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, pagkakamali nila ang pag-award ng P700-million contract sa OTC Paper Supply na isa umanong questionable firm.
Iginiit ni Melo na masyadong mataas ang presyo ng bawat folder bagama’t sinasabing hindi ordinar yong folder ang mga ito. (Doris Franche / Mer Layson)