MANILA, Philippines – Matapos ang pagtanggi sa pagiging malubha ng kundisyon, inihayag ng pamunuan ng St. Lukes Medical Center- Global City na maaari nang makalabas ng pagamutan si First Gentleman Mike Arroyo dahil sa maayos nang kalagayan nito.
Sinabi ni Dr. Juliet Gopez-Cervantez, personal na doktor ni Arroyo, na halos “zero pain” na ang nararamdaman ng Unang Ginoo at kontrolado na nila ang blood pressure nito.
Ngunit kaagapay nito ang maraming pagbabawal sa pisikal na aktibidad at pagkain ni Arroyo upang maiwasan muli ang pagkapunit ng kanyang aorta na patungo sa kanyang puso.
Kabilang sa mga ipinagbabawal ang mga aktibidad na maaaring magdulot ng pagtaas ng kanyang tibok ng puso o pagtaas ng sulak ng dugo tulad ng labis na pisikal na aktibidad, pagbubuhat ng mabibigat at sobrang ehersisyo.
Kontrolado na rin ang diet o ang pagkain nito dahil sa pagbabawal sa maraming uri ng pagkain na mayaman sa calories at mga maaalat. Nais ng mga manggagamot na maibaba ang timbang ni Arroyo upang hindi mahirapan ang likod nito sa kanyang mga aktibidad.
Ipinagbabawal rin naman ng mga doktor ang pagbiyahe ng malayo ni Arroyo tulad ng pagsama sa mga biyahe sa labas ng bansa dahil sa maaaring magdulot ito ng pananakit ng likod at magsimula ng panibagong atake. - Danilo Garcia