MANILA, Philippines - Mahigpit na itinanggi ng Lakas-Kampi-CMD na walang katotohanan na aatras sa presidential race ang administration bet na si Gilbert “Gibo” Teodoro Jr.
Sinabi ni Atty. Mike Toledo, tagapagsalita ni Gibo, walang katotohanan ang umiikot na balitang aatras si Teodoro kaya daw magpapatawag ito ng press conference sa araw na ito.
Ayon kay Atty. Toledo, gawa-gawa lamang ng mga kalaban ni Teodoro ang tsismis na ito dahil sa patuloy ang paglakas ni Gibo lalo ngayong gumagana na ang makinarya ng Lakas-Kampi-CMD.
“Such rumors are originating from sectors who will cast aside all notions of decency to satiate their salivation and hunger for power through the presidency,” wika pa ni Gibo sa isang statement.
Idinagdag pa ni Gibo, pangkaraniwan na sa pulitika sa bansa ang gumagawa ng ibat ibang tsismis ng paninira sa kanilang mga kalaban sa pulitika.
Aniya, ang ganitong mga tsismis at paninira sa kanyang kandidatura ay lalo lamang nagbibigay ng lakas ng loob sa presidential bet upang lumaban para sa kapakanan ng taumbayan na nais ng tunay na pagbabago sa ilalim ng Teodoro administration.
“I will settle for no less than victory, our people deserve no less,” giit pa ni Gibo kaugnay sa tsismis na siya ay aatras sa laban.