Ex-congressman, 15 years nagtago sa batas arestado!
MANILA, Philippines - Matapos ang may 15 taong pagtatago sa batas, naaresto si dating Congressman Jaime Zarraga ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bisa ng warrant na inilabas ng iba’t ibang Regional at Municipal Trial Courts ng Makati at Nueva Ecija dahil umano sa patung-patong na kaso ng estafa at illegal recruitment, parehong large scale at syndicated.
Ayon sa NBI, ang mga warrant ay nailabas na mula pa noong 1995 at ang karamihan sa mga warrant na ito ay lumabas noong 1996 o halos isang dekada na ang nakalilipas.
Ang mga nasabing warrant ay hindi naihain sa napakahabang panahon sapagkat nagtago na si Zarraga at napabalitang nagtungo na sa ibang bansa upang makaiwas sa pagkakadakip.
Kamakailan lamang ay natuklasan ng NBI na nasa Maynila lang pala ang nasabing pugante at nakilala siya na isa sa mga kumakatawan sa isang maliit na broadcasting company na Voice of Manila Broadcasting (VOM) Corporation at Exodus Broadcasting.
Napabalitang ang VOM ang nagsampa ng kaso laban sa National Telecommunications Commission o NTC dahil sa isyu sa broadband wireless access o BWA frequency.
Ito ang nagbigay sa NBI ng pagkakataon na matunton si Zarraga at magplano ng operasyon at naging daan para sa kanyang pagkakaaresto.
Sa halos isang dekada nitong pagtatago sa batas, naaresto ng mga tauhan ng NBI si Zarraga noong Lunes sa Bulwagan ng Katarungan sa Pasig City. Nagpakilala siya na chairman at chief executive officer (CEO) ng VOM.
Ang pag-aresto ay isinagawa makaraan siyang tumestigo sa pagdinig sa isang Regional Trial Court sa Pasig na kung saan siya at ang kompanyang kinakatawan ay naghain ng kaso laban sa NTC kaugnay ng isyu sa ibang BWA frequency.
Si Zarraga ay kasalukuyang nakakulong sa NBI at hindi maaring maglagak ng piyansa dahil sa bigat ng mga kasong isinampa sa kanya tulad ng illegal recruitment na non-bailable.
- Latest
- Trending