MANILA, Philippines - Dinismis kahapon ng Quezon City Regional Trial Court ang kasong rebelyon laban kay Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at iba pang miyembro ng kanyang angkan na naunang isinangkot sa pamamaslang sa 57 katao sa naturang lalawigan noong Nobyembre 23, 2009.
Nagbasura sa kaso si QCRTC Branch 77 Judge Vivencio Baclig na nag-utos na palayain ang mga akusado.
Si Andal Sr. at iba pang akusado ay magkakahiwalay na nakakulong sa Davao at General Santos City. Gayunman, patuloy siyang makukulong dahil meron pa siyang hiwalay na kasong murder kaugnay ng masaker sa Maguindanao.
Ipinagharap sina Ampatuan Sr. ng kasong rebelyon dahil sa pagsasara nila ng mga tanggapan ng pamahalaang lokal ng lalawigan bilang protesta sa panghuhuli ng militar sa miyembro ng kanyang pamilya.
Nahaharap sa kasong multiple murder ang anak niyang si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na pangunahing suspek sa masaker. (Joy Cantos)