MANILA, Philippines - Tinatayang 15 milyong Pinoy ang nakiisa sa idinaos na Earth Hour sa buong mundo kagabi.
Mismong ang Simbahang Katoliko ang nanguna sa pagdiriwang ng Earth Hour sa Pilipinas, sa pamamagitan nang pagdarasal ng banal na rosaryo habang isinasagawa ang Earth Hour mula 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.
Ang Earth Hour, na sinimulan noong 2007 at global initiative ng World Wildlife Fund (WWF), ay isang konkretong hakbang laban sa global warming.
Bago pa umano isinagawa ang Earth Hour, 1,041 lungsod at bayan na sa Pilipinas ang nagkumpirma sa WWF na makikiisa sa sabay-sabay na pagpapatay ng ilaw at mga de kuryenteng kasangkapan sa loob ng isang oras upang masagip ang mundo sa tuluyang pagkasira.
Noong nakaraang taon, naging matagumpay rin ang Earth Hour na nilahukan ng halos 10 milyong Pinoy.