MANILA, Philippines - Lampas na umano si Liberal Party presidential candidate Senator Benigno Aquino III at ang Nacionalista Party ni presidential candidate Senator Manny Villar, sa itinatakdang oras para sa campaign advertisements sa isang television network.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesman James Jimenez, umabot na sa 291.5 minutes ang broadcast time na nagamit ni Aquino sa ABS-CBN pa lamang.
Ang NP naman ay nakagamit na aniya ng 256.5 minutes airtime mula Pebrero 9 hanggang Marso 12, sa naturan ding television station.
Sinabi ni Jimenez na ang nasabing bilang ng airtime na nagamit na ni Aquino at ng NP ay labis na sa 120 minutes na limitasyon, alinsunod sa itinatakda ng Comelec Resolution 8758, para sa broadcast advertising ng mga kandidato sa national position at mga partido sa bawat local at cable television channel.
Nilinaw naman ni Jimenez na ang partido pa lamang ni Villar ang lumalabis, dahil ang Senador ay nakakagamit pa lamang ng 27.75 na minuto ng broadcast time sa nasabing television channel.
Ipinaliwanag ng Comelec spokesman na kahit madalas nakikita si Villar sa mga advertisement ay hindi naman nangangahulugan na sa kaniya na agad ibibilang ang umeereng advertisement.
Ayon kay Jimenez, ibibilang ang ads sa kung para kanino o para sa anong partido ibinayad ang patalastas.
Sa kaso aniya ni Villar, madalas na “paid for Nacionalista Party” ang umeereng ads nito.
Sa ngayon, hindi pa umano nakukuwenta ng Comelec ang oras na nagamit ng mga kandidato at partido sa isa pang malaking TV network na GMA-7 dahil hindi pa umano ito nakakapagsumite ng lahat ng broadcast logs.
Sinabi ni Jimenez na plano na rin ng Comelec na impormahan ang NP at ang kampo ni Aquino kaugnay sa paglagpas sa broadcast limit.
Ipaaalam aniya ng poll body sa mga ito na hindi na sila maaring mag-ere pa ng ads sa nasabing istasyon ng TV. Nagbabala pa si Jimenez na kung hindi tatalima ay saka sila kakasuhan ng Comelec.