MANILA, Philippines - Malabong maglunsad ng military junta o itake-over ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang gobyerno sakaling magkaroon ng ‘failure of elections‘ sa bansa kaugnay ng gaganaping pambansang halalan sa May 2010.
“We are not even thinking of military junta, hindi namin naiisip ang ganoong scenario, we are exhausting all means in closely coordinating with the PNP, exchange of information etc for the conduct of a peaceful elections,” pagbibigay-diin ni AFP-Public Affairs Office Chief Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr bilang tugon sa pahayag ni Deputy Presidential Spokeperson Charito Planas na posibleng magkaroon ng ‘military junta’ sa bansa kung mangyayari ang ‘failure of elections’ para makontrol ang gobyerno lalo na kung magkakagulo.
Sa katunayan, ayon kay Burgos ay ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang supilin ang banta o mga pananabotahe sa halalan.
Kabilang dito ang mga rebeldeng New People’s Army na nagpapataw ng Permit to Win (PTW ) at Permit to Campaign (PTC) fees sa mga kandidato sa mga balwarteng teritoryo ng komunistang grupo sa bansa.
Sabi ni Burgos, tanging mga legal na order na naayon sa batas mula sa kanilang mga lehitimong superiors ang kanilang susundin at hindi susunod sa illegal na order na isang uri ng gawaing kriminal na may katapat na kaparusahan sa batas. (Joy Cantos)