MANILA, Philippines - Ginagamit umano ni Energy Secretary Angelo T. Reyes ang dinaranas na krisis sa enerhiya sa Mindanao upang magpatawag ng special session ang Kongreso na maaaring magbigay daan na maiproklama ang anak nitong si Angelito “Jet” Reyes sa pinanalo nitong election protest sa House of Representatives Electoral Tribunal.
Ito ay sa gitna ng sitwasyon na si Jet Reyes ay hindi pa maaaring manumpa bilang Congressman ng ikalawang distrito ng Taguig habang ang Kongreso ay pansamantalang nasa recess.
Ayon naman kay House Speaker Prospero Nograles, kung sakaling ang Kongreso ay magpatawag ng special session, tiyak na uunahin ang ibang importanteng bagay kagaya na lamang ng problema sa enerhiya.
“Hindi kailanman kayang paikutin ni Secretary Reyes ang mga lawmakers. Nagkakamali siya kung ang intension niya ay ang pabilisin ang pagkaka-proklama sa kanyang anak,” ayon sa isang text message galing kay Nograles.
Muling sinabi ni Nograles na kinakailangang maghintay ni Reyes hanggang sa mag-resume ang Kongreso.
Nang nagdaang buwan, idineklara ng HRET na si Reyes ang tinanghal na panalo sa Taguig congressional race noong 2007. Si Reyes ay lamang ng 37 na boto.