Peace covenant tulong para sa malinis na halalan - PNP
MANILA, Philippines - Magkakaroon ng isang malinis at maayos na halalan sa paglagda sa isang peace covenant para sa “honest, orderly and peaceful” (HOPE) na eleksiyon sa Cotabato City noong isang linggo.
Ayon kay Philippine National Police Director General Jesus Versoza, gagamitin ng PNP ang lahat upang masiguro na mapoproteksiyunan ang bawat balota.
“Ang lahat ay nakaayos na at dahil sa covenant na ito, nakikita ko ang pagsasagawa ng maayos at matahimik na halalan sa Cotabato at iba pang lugar,” wika ni Versoza sa mga lokal na kandidato na dumalo kabilang ang Comelec regional director sa Autonomous Region in Muslim Mindanao na si Atty. Ray Sumalipao.
Hinimok ni Verzosa ang publiko na tulungan ang pulisya sa kampanya nito na masigurado ang pagsasagawa ng maayos na eleksiyon. “Ang mga pulis ay nakatalaga na upang bigyang proteksiyon ang mga gagamitin sa eleksiyon pati na ang mga botante,” wika ni Verzosa.
Umayon si Sumalipao sa tinuran ni Verzosa ukol sa pagkakaroon ng kauna-unahang malinis na eleksiyon sa bansa. “Walang puwang ang sinasabing ‘failure of elections’ dahil sa peace covenant na ito,” wika niya.
May 35 kandidato para sa konseho ang lumagda sa naturang peace covenant na sumisiguro sa pagkakaroon ng isang malinis at maayos na halalan. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending