Mag-ingat sa 'magic sugar' sa mga pampalamig - DOH
MANILA, Philippines - Bunsod ng matinding init ng panahon at pagsusulputan ng mga pampalamig na inumin at miryenda, pinag-iingat din ngayon ng Department of Health (DOH) ang publiko kaugnay sa paggamit ng artificial o magic sugar.
Ayon kay Health Secretary Esperanza Cabral, posibleng tumataas ang demand sa magic or artificial sugar na ginagamit ng mga vendor dulot ng lumolobong presyo ng refined na asukal.
Ipinaliwanag ni Cabral na ang neotogen o “magic sugar” ay mas mura at mas matamis kumpara sa asukal na galing sa tubo at pinaniniwalaang ginagamit ng mga vendor na nagbebenta ng pampalamig.
Naniniwala ang kalihim na maraming vendor ang natutukso ngayong gumamit ng mga artificial na pampatamis na mas mura ang presyo ngunit maaaring magdulot ng karamdaman sa tao.
Sinabi pa ni Cabral na wala namang problema kung allowed na sweetener ang gagamitin subalit makakasama din sa katawan kung artificial o magic sugar ang gagamitin sa mga ibinebentang halo-halo at iba pang pampalamig.
Una nang sinabi ng kalihim na maaaring magtaglay ng mga bacteria ang mga halu-halo at inuming pampalamig kung hindi malinis ang preparasyon.
Hinikayat din ng kalihim ang local government units (LGUs) na tutukan ang mga nagbebenta ng halu-halo at mga samalamig para makatiyak na ligtas kainin ang kanilang mga paninda.
Matatandaang Agosto 2000 nang unang ipinagbawal ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) ang magic sugar matapos mapatunayang nakakakanser sa mga hayop. (Doris Franche)
- Latest
- Trending