MANILA, Philippines - Umiskor ang Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) kaugnay sa smuggling ng mga diamonds at iba pang alahas matapos ibasura ni Justice Secretary Agnes Devanadera ang naunang resolusyon na nag-dismiss sa kaso laban kay British national Siu Ting Alpha Kwok.
Sa resolusyon ni Sec. Devanadera, natuklasan nitong may probable cause upang kasuhan si Kwok ng paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines at paglabag sa National Internal Revenue Code.
Dahil sa resolusyong ito, pinawalang-bisa nito ang November 19, 2009 resolution ng DOJ prosecutors na sina Pamela Lazatin-Escobar, Rohairah Lao-Tamano at Aldrin Evangelista na nagbabasura sa kaso ni Kwok na inaprubahan ni Chief State Prosecutor Jovencito Zuno sa rekomendasyon naman ni Assistant State Prosecutor Pedrito Rances.
Inatasan ni Devanadera ang bagong Chief State Prosecutor na sampahan ng kaukulang kaso si Kwok.
Itinuturing naman ni PASG chief Antonio Villar Jr., chairman din ng Dangerous Drugs Board, na isang malaking tagumpay ang naging desisyon ni Devanadera para sa kampanya ng PASG laban sa mga smugglers.
Ang mga nakumpiskang diamonds at iba pang jewelry kay Kwok ay nasa pag-iingat ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Matatandaang agad umapela si Villar sa DOJ para sa automatic review ng kaso ni Kwok matapos ibasura ito ng DOJ prosecutors. (Rudy Andal)