MANILA, Philippines - Humingi ng tulong sa Commission on Elections ang abugado ng dalawang prominenteng kandidato sa Palawan para imbestigahan ang umano’y suhulan sa mga disqualification cases.”
Sa kanyang sulat kay Comelec Chairman Jose Melo, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio na tignan ang alegasyong mayroong mga taong gumagamit ng milyong halaga para makuha ang paborableng desisyon na masigurong madiskwalipika ang kanyang mga kliyente.
Ang mga kliyente ni Topacio ay sina incumbent Palawan Governor Joel T. Reyes na tatakbong kongresista sa 2nd district ng Palawan at ang maybahay nito na si Clara “Fems” E. Reyes na tumatakbo namang bise gobernador sa lalawigan.
Ang mga disqualification cases ay isinampa ng mga taong pinaniniwalaang dikit sa isang mayamang pulitiko sa lalawigan.
Isang naunang disqualification case on ground of residency ay naisampa laban kay Congressman Abraham Kahlil B. Mitra, 2nd district ng Palawan, na siyang tumatakbong Gobernador. Ang Comelec first division ay humatol laban kay Mitra na umapela naman sa naturang desisyon.
Sinabi ni Topacio na ang ganitong aksyon ng mga taong ito ay isang anyo ng vote-buying sa pinakamataas na antas dahil hindi lang nila binibili ang boto bagkus ay binabaluktot nito ang decision-making processes ng mismong Comelec. (Butch Quejada)