10 taon kulong hatol sa solon
MANILA, Philippines - Hinatulan ng Sandiganbayan Third Division na mabilanggo ng mula 6 hanggang 10 taon si Sorsogon Rep. Jose Solis dahil sa kasong graft at falsification of public documents na isinampa laban sa kanya.
Ito ay makaraang mapatunayang nagkasala si Solis sa kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act bukod pa ito sa dalawang hanggang anim na taong pagkabilanggo naman sa kasong falsification.
Kasama ni Solis na hinatulan ang isang Florencia Garcia-Diaz at pinawalang-sala naman sina Salvador Bonnevie, Virgilio Fabian Jr., Ireneo Valencia at Arthur Viernes, dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya na nagdidiin sa mga ito sa kaso.
Nag-ugat ang kaso sa iligal umanong paglilipat ng titulo ng lupa ni Solis nang siya ay administrator pa ng National Mapping and Resources Information Administration.
Pumasok umano sa compromise agreement si Solis noong Mayo 18, 1999 para mapatituluhan ang 4,689 hektarya ng lupa sa Laur, Nueva Ecija na pagmamay-ari ng gobyerno at hindi umano maaaring ibigay sa pribadong indibidwal.
Inaasahan namang iaapela ni Solis ang desisyon ng korte at kailangan niyang maglagak ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending