Disqualification vs Lapid, Pacquiao ibinasura
MANILA, Philippines - Ibinasura kahapon ng Commission on Elections Second Division ang petisyon ng isang abogado na humihiling na madiskuwalipika sa nalalapit na halalan sina Sen. Lito Lapid at People’s Champ Manny Pacquiao.
Si Lapid ay muling tumatakbo sa pagka-senador habang si Pacquiao ay kandidato sa pagka-kongresista sa Saranggani.
Sa isinagawang promulgasyon, ibinasura ng Comelec Second Division ang disqualification case laban kina Lapid at Pacquiao na inihain ni Atty. Elly Pamatong, dahil tulad ng mga naunang inihaing petisyon ng abogado sa ilang kandidato, wala rin umanong basehan ang isinampa nitong petisyon laban kina Lapid at Pacquiao kaya’t ibinasura lamang nila ito.
Matatandaang una nang hiniling ni Pamatong sa poll body na madiskwalipika sa pagtakbo sa May 10 polls sina dating Pangulong Joseph Estrada, dating Defense Sec. Gilberto Teodoro, Jr. at Senators Manny Villar at Benigno “Noynoy” Aquino III.
Naghain din si Pamatong ng petisyon sa Comelec para ma-disqualify sa pagtakbo sa pagka-kongresista sa Pampanga si Pangulong Arroyo. (Mer Layson)
- Latest
- Trending


















