Suhulan sa Comelec pinasisilip
MANILA, Philippines - Nanawagan ang kampo ni Palawan Governor Joel Reyes kahapon kay Commission on Elections Chairman Jose Melo na busisiin ang paulit-ulit at maingay na mga balita galing sa loob mismo ng Comelec na may mga taong nanunuhol umano ng eight-figure amounts (higit sampung milyon) para makakuha ng paborableng desisyon sa mga kaso ng diskwalipikasyon na nakasalang sa komisyon.
Sinabi ni Ferdinand Topacio, abogado ni Reyes, na sayang ang reputasyon ng Comelec na pinaghirapan ng Komisyon at ni Chairman Jose Melo na iangat nang dahil lamang sa mga taong akala nila ay mabibili ng kanilang salapi ang pagka-panalo sa halalan sa pamamagitan ng pag-neutralize sa kanilang katunggali.
Tulad na lamang umano sa Palawan kung saan ang gubernatorial candidate na si Baham Mitra ay natanggal “by administrative fiat.”
Ang parehong grupo na gustong pigilan ang karapatan ng taong malayang makapamili sa pamamagitan ng pagdiskwalipika kay Mitra sa halalan ay siya ring grupo na naninilaw ng gabundok na salapi at iba pang panunuhol na ikakasira ng electoral process.
Hiniling ng abugado kay Melo na tignang mabuti at maglagay ng mga safeguards ang Comelec para hindi sila magamit sa ganitong paraan.
Kailangan daw na mas maging malawak at liberal ang Comelec at hindi dapat basta-bastang nagdidiskwalipika ng mga kandidato base sa mga mababaw na dahilan kung hindi ay magagamit lamang sila ng mga taong masalapi ngunit wala namang suporta ng tao. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending























