Proteksyon sa bagwoman hingi
MANILA, Philippines - Humihingi ng proteksyon sa Philippine National Police ang self confessed jueteng bagwoman na si Sandra Cam, isa sa whistleblower sa payola scam na inimbestigahan ng Senado noong 2005.
Naalarma si Cam sa pananambang at pagkakapatay sa kasamahan nitong whistleblower sa Senado na si Wilfredo ‘Boy “ Mayor na nagbunyag sa umano’y pagtanggap ng ‘jueteng payoffs’ mula sa jueteng at iba pang illegal number game ng ilang kaanak ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
“Humingi na ako ng security escort, pero hindi pa umaaksyon ang PNP dahil nasa ilalim daw sila ng kontrol ng Comelec ngayong election period,” ani Cam.
Nitong Linggo ng umaga ay pinagbabaril sa Pasay City si Mayor na hindi na umabot ng buhay sa pagamutan.
Nabatid na si Cam ay may pag-aaring eskuwelahan sa Cavite kaya madalas itong bumiyahe galing sa Masbate.
Magugunita na sa Senate inquiry noong 2005 ay ibinulgar ni Cam na siya ang collector ng jueteng payoffs na idine-deliver niya kay presidential son at Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey’ Arroyo at Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy “ Arroyo, kapatid ni First Gentleman Jose Miguel Arroyo na kapwa itinanggi ang akusasyon na umano’y paninira lamang sa Unang Pamilya. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending