MANILA, Philippines - Pormal ng inilunsad ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang bagong scholarship program para sa mga kuwalipikadong miembro ng pamilya ng mga OFW partikular yaong mga nagnanais mag-enrol sa science at technology college courses.
Inihayag ni MECO Chairman Tomas I. Alcantara na ang naturang programa ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology Science Education Institute (DOST-SEI) upang mabigyan ng pagkakataon ang may 10 kuwalipikadong kaanak ng OFW sa Taiwan.
Binigyang diin pa ni Alcantara na ang programang ito ng MECO ay malaking tulong upang mapatatag ang kapabilidad ng bansa na makalikha ng mga de-kalibreng scientists, engineers, physicists, at iba pang S&T professionals.
Ang MECO at DOST-Science Education Institute (DOST-SEI) ay lumagda sa isang Memorandum of Understanding para sa MECO-DOST-SEI Scholarship Program sa mga karapat-dapat na anak o kaanak ng mga OFW na kasalukuyang nagsisipagtrabaho sa Taiwan o yaong mga isang taon ng nagtrabaho sa naturang bansa.