Sec. Reyes pinagbibitiw

MANILA, Philippines - Hiniling ni Anakpawis Rep. Joel Maglunsod ang agarang pagbitiw ni Energy Secretary Angelo Reyes sa puwesto kung totoong nag-aambisyon itong  tumakbo bilang party-list representative ng 1-UTAK na isang grupo na kumakatawan sa sektor ng transportasyon.

Itinanggi ni Rep. Vigor Mendoza ng 1-UTAK ang nominasyon ni Reyes bilang isa sa kanilang tatlong kinatawan ngunit matunog ang balitang ang hepe ng Departamento ng Enerhiya ay talagang magiging kina­tawan ng grupo.

Idinagdag ni Maglun­sod na nararapat lang na magbitiw na si Reyes sa kanyang puwesto dahil na rin sa Supreme Court ruling­ kamakailan na nag­sa­sabing ikukonsiderang resigned na ang mga opisyal na kakandidato sa elek­syon sa Mayo 10.

Hindi rin napigilan ng militanteng kongresista na tuligsain si Reyes sa ka­walan nito ng kakaya­han na solusyunan ang krisis sa enerhiya na maa­aring magdulot ng kagulu­han sa darating na elek­syon sa Mayo. (Butch Quejada)

Show comments