MANILA, Philippines - Binalaan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko sa paggamit ng mga beauty cream products kasabay ng pagbabawal sa pagbebenta ng siyam na hindi rehistradong produkto na nagtataglay umano ng labis na mercury.
Batay sa FDA Circular 2010-004 na ipinalabas ni FDA Acting Director Nazarita Tacandong noong Pebrero 18, nabatid na kabilang sa mga produktong ‘ban’ ang pitong face cream products na Jiaoli Huichusu Whitening Speckles Removal Cream; Xin Jiao Li 7-Days Specific Eliminating Freckle Cream; Jiao Li 10-Days Eliminating Freckle Day & Night Set; Jiao Li 7-Days Eliminating Freckle AB Set; Jiao Liang Miraculous Cream; Xin Jiao Liang 7-Days Miracle Package for Spots Refining at ang Jiao Mei Miraculous Cream.
Kabilang din ang dalawang whitening cream products na kinabibilangan ng Jiao Yan Specific Miraculous Cream at Jiao Li Extra Pearl Facial Cream.
Nabatid sa FDA na natuklasang may taglay na mahigit sa one part per million (ppm) na mercury ang mga produkto na mapanganib sa kalusugan.
Kasabay nito, hiningi din Department of Health ang tulong ng law enforcement agencies at local government units sa pagtukoy sa mga establisimyentong nagbebenta ng mga beauty cream products na kabilang sa ipina-ban, para masampahan ng kaso. (Ludy Bermudo)