MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ni Liberal Party presidential candidate at Senator Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang posibilidad na magkaroon ng ‘laglagan’ sa kanilang senatorial slate upang masuportahan si dating Senador Vicente ‘Tito’ Sotto III.
Lumutang ang senaryo ng ‘laglagan’ pagkaraang i-endorso ni TV host Kris Aquino-Yap si Sotto, nag-iisang kandidatong senador ng Nationalist Peoples Coalition.
Ipinaliwanag ni Aquino na personal naman ang pag-eendorso ng bunso niyang kapatid kay Sotto at hiwalay ito sa posisyon ng Liberal Party.
Ayon kay Aquino, solido ang kaniyang suporta sa kaniyang 12 kandidatong senador.
Pero sinabi rin ni Aquino na pasasalamatan nya si Sotto sakaling bitbitin ang kanyang kandidatura o pangalan sa pangangampanya.
Wala aniyang dapat ipangamba ang kanilang mga senatorial bets sa LP dahil walang mababago sa listahan ng kanyang susuportahan. (Malou Escudero)