MANILA, Philippines - Doble-alerto ngayon ang Armed Forces of the Philippines laban sa posibleng sympathy attack tulad ng pambobomba at pangingidnap sa Sulu at iba pang bahagi ng Western Mindanao bilang paghihiganti.
Kasunod ito ng pagkakapatay sa top leader ng Abu Sayyaf na si Commander Albader Parad at lima nitong tauhan habang nalagas rin ang isang tauhan ng Philippine Marines sa isang enkuwentro sa Maimbung, Sulu noong Sabado.
Sinabi ni Defense Secretary Norberto Gonzales na hindi porke napatay ng tropa ng pamahalaan si Parad ay dapat nang magrelaks ang AFP.
Ipinunto ng Kalihim na karaniwan nang gumaganti sa pamamagitan ng paghahasik ng terorismo ang mga bandidong Abu Sayyaf sa tuwing malalagasan ang mga ito ng mga pinuno at tauhan.
Idinagdag pa nito na isang malaking dagok sa Abu Sayyaf ang pagkakapatay kay Parad kaya inaasahan at pinaghahandaan na nila ang ganti ng grupo.
Naniniwala naman si Navy Spokesman, Marine Lt. Col. Edgard Arevalo na malabong makapaghasik ng kaguluhan ang bandidong grupo sa labas ng rehiyon ng Mindanao.
Ikinagalak ng Palasyo ang matagumpay na military operations kung saan ay sinasabing napatay sa engkwentro si Parad.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Gary Olivar na ang pagkakapaslang ng militar kay Parad at 5 miyembro nito ay patunay lamang na tuloy-tuloy ang paglaban sa terorismo. (May ulat ni Rudy Andal)