Tigdas lolobo pa sa Marso
MANILA, Philippines - Pinangangambahang lolobo pa sa 1,500 ang mga tatamaan ng sakit na measles o tigdas pagsapit ng summer season sa Marso.
Ayon kay Dr. Eric Tayag ng National Epidemiology Center ng Department of Health (DOH), nakasentro ang measles outbreak sa Metro Manila kaya nanawagan ito sa mga opisyal ng mga eskwelahan na bantayan ang mga estudyante at maging maingat upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Kailangan lamang na panatilihin ang malinis na kapaligiran upang maiwasan din ang pagkapit ng iba pang sakit.
Kabilang sa anim na lugar na maraming tinamaan ng tigdas ang Baseco Area at Moriones sa Tondo, Manila; Pulang Lupa sa Las Piñas City; Balabagan sa Lanao del Sur; Dasmariñas, Cavite at San Francisco sa Quezon.
Una nang naiulat na 570 na, karamihan ay mga bata ang tinamaan ng tigdas sa bansa mula Enero 1 hanggang Peb. 5, 2010.
- Latest
- Trending