MANILA, Philippines - Ipapaubaya ng Malacañang sa Energy Regulatory Board ang ibinunyag ni Albay Gov. Joey Salceda na posibleng may manipulasyon sa presyuhan ng kuryente sa gitna ng El Niño.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesman Ricardo Saludo, hahayaan nilang mag-imbestiga ang ERC dahil ito ang may kapangyarihan sa isyu ng kuryente.
Dapat aniyang silipin ang akusasyon na nagkakaroon ng manipulasyon sa presyo ng kuryente lalo pa’t kinakaharap ng bansa ang problema tagtuyot.
Ipinunto ni Saludo na isa namang independent body ang ERC at siguradong kikilos kaagad ito.
Nauna rito, pinaiimbestigahan ni Salceda, isa sa mga economic advisers ni Pangulong Gloria Arroyo, ang diumano’y nangyayaring manipulasyon sa presyuhan ng kuryente.
Nais ipasilip ni Salceda ang mga hydro-electric power dams at ang diumano’y manipulasyon sa presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Stock Market.
Mahalaga aniyang mabantayan ang presyo ng kuryente lalo pa at pumapasok na ang tag-tuyot.