P2-B landgrabbing!
MANILA, Philippines - Isang grupo ng mga magsasakang Dumagat sa Norzagaray, Bulacan ang nagbunyag na inagawan umano sila ng lupa ng kumpanyang pag-aari ni Senador Manny Villar at nagawa pang isangla ito sa halagang P2 bilyon.
Pinatutungkulan nila ang lupang saklaw ng Original Certificate of Title No. P-858/Free Patent No. 257917 na ipinalabas sa kanila ng Register of Deeds ng Bulacan at kanilang pinaninirahan mula pa noong mga taong 1960.
Pero napasama umano ang kopya ng kanilang OCT sa natupok na mga dokumento nang magkasunog sa tanggapan ng Registry of Deeds noong Marso 7, 1987.
Nagpetisyon ang mga magsasakang Dumagat sa Malolos, Bulacan Regional Trial Court para sa reconstitusyon ng kanilang titulo pero kinontra ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas dahil ang inaangkin nilang lupa ay bahagi na umano ng isa pang titulo ng lupa na TCT T-48694 na pag-aari ng BSP.
Lumalabas na ang nasabing titulo ng lupa na hawak na ng BSP ay unang isinangla ng Manila Brickworks Inc. sa Capitol Development Bank na pag-aari nina Villar bago ito mabangkarote.
Pinalitaw umano na ang OCT 287 na hawak ng mga Villar ay ipinalabas noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa bansa.
Pero ayon sa abogado ng mga magsasaka na si Atty. Anthony Rafanan, noong 1944 ay nasa ilalim na ng Japanese Occupation ang bansa kaya walang valid title ang ipinalabas sa ilalim ng sinasabing Act 496.
Ipinahiwatig ni Rafanan na peke ang titulong isinangla ng Manila Brickwood sa Capitol Bank na isinangla naman sa BSP.
Ayon naman kay Atty. Nalen Rosero Galang, Chief Legal Officer ni Villar, ang pagbuhay sa isyu ay kagagawan ng mga kalaban ni Villar sa pulitika.
Ang lahat aniya ng transaksiyon sa pagitan ng Capitol Bank na pag-aari nina Villar at BSP ay “above board and legal”.
Ang mga pinag-uusapan aniyang lupa na inilipat na sa BSP ay may titulo na naka-file sa Registry of Deeds.
Hinamon pa ng kampo ni Villar na magsampa na lamang ng kaso sa korte para ipawalang bisa ang titulong naremata ng BSP.
- Latest
- Trending