MANILA, Philippines - Inilagay ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) ang Bureau of Immigration (BI) sa top five mula sa 177 government agencies pagdating sa paglaban sa graft and corruption.
Sa awarding ceremony para sa 2nd Semester 2009 top-ranking Integrity Development Action Plan (IDAP), iniabot ni PAGC Commissioner Constancia De Guzman kay BI Commissioner Marcelino Libanan ang plaque of certification para sa magandang performance ng ahensiya sa paglaban kontra katiwalian.
Sinabi ni De Guzman na sa tulong ng mga pagbabagong sinimulan ni Libanan, matagumpay na naiangat ng BI ang sarili nito mula sa ilalim ng listahan buhat nang ipatupad ang programa noong 2004 patungo sa honor roll ng mga ahensiya na ginagraduhan ng PAGC.
Kabilang sa istratehiya ng PAGC ay may kinalaman sa graft prevention, education at partnership.
Pinasalamatan naman ni Libanan ang PAGC sa pagkilala ng mga reporma sa BI.
Noong nakaraang taon, ang BI ay nasa ikapitong puwesto sa top 10 list ng PAGC ukol sa “most compliant” government agencies. Noong 2008, isang taon matapos manungkulan si Libanan noong May 2007, ay umakyat ang BI sa top 10 list ng PAGC.
Ang BI ay nasa 76th place sa 80 government agencies sa listahan ng PAGC mula 2004 hanggang 2007. (Butch Quejada)