MANILA, Philippines - Sinampahan na kahapon ng kasong kriminal ng pamahalaan ang binansagang Morong 43 na mga pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army at nasakote habang nagsasagawa ng training sa isang pribadong compound sa lalawigan ng Rizal noong Pebrero 6.
Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Chief Major Gen. Jorge Segovia ng 2nd IB ng Philippine Army na ang 43 NPA rebel kabilang ang kanilang mga lider ay sinampahan ng kasong illegal possession of firearms at ammunitions sa korte ng Morong.
Kasabay nito, pinabulaanan ni Segovia na tinorture ng militar ang mga nasakoteng rebelde upang umamin ang mga itong miyembro at lider ng NPA tulad ng alegasyon ng kanilang mga pamilya.
Pinanindigan niya na lehitimo ang operasyon na bumatay sa arrest warrant na ipi-nalabas ni Executive Judge Cesar Mangrobang ng Regional Trial Court Branch 22 sa Imus, Cavite.
Kabilang sa 43 naaresto ay mga doktor at rural health workers na nakumpiskahan rin ng mga eksplosibo.
Itinanggi rin ni Segovia ang mga paratang ng mga militanteng grupo at ng ilang pamilya ng mga nasakote na ‘planted’ ang mga nasamsam na ebidensya.
Aniya, lumang tugtugin na ang paninira ng CPP-NPA sa militar bilang bahagi ng ‘black propaganda’ ng mga ito.
Magugunita na sinalakay ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang resthouse ng isang Dra. Melicia Valmonte sa E.de la Paz St., Brgy. Maybangkal, Morong.
Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga ito ang ilang baril, granada at ibang pampasabog.