MANILA, Philippines - “Hindi ako kahit kailan naduwag sa buong buhay ko!”
Ito ang mariing pahayag ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri bilang sagot sa pahayag ng kanyang kalaban sa pulitikang si Baby Asistio na natatakot siya kaya pina-disqualify siya nito bilang kalabang kandidatong alkalde sa lungsod.
Ayon kay Echiverri, malinaw sa record na si Asistio ang naunang naghain ng disqualification case sa Commission on Election laban sa kanya noong Disyembre 7, 2009.
“Malinaw na ang kampo nila ang natatakot sa akin dahil sila ang naunang naghain ng petisyon para ako’y ipatanggal sa listahan ng mga kandidato bilang mayor ng Caloocan,” ani Echiverri.
Sinabi pa ng alkalde na na-karma lamang ang kampo ni Asistio sa ginawa nilang paghahain ng disqualification case sa kanya dahil dito nabisto ang kanyang pekeng tirahan na nakatala sa certificate of candidacy nito.
“Nagkaroon lang ako ng idea na magsampa ng disqualification case laban kay Asistio noong hindi mai-serve ng aking abogado at bumalik sa aming kampo ang sagot namin sa kanyang disqualification case dahil wala naman address na 123 Interior P. Zamora St., Barangay 15, Caloocan City, na siyang inilagay niya sa kanyang CoC,” diin pa ni Echiverri.
Ipinaliwanag pa ni Mayor Recom na ang malaking pagkakamali ni Asistio ay ang hindi nito pagmamantine ng bahay sa lungsod gayung palagi niyang sinasabi na sila’y taga-Caloocan.
“Maging ang matandang bahay ng mga Asistio sa Libis Gochuico ay wala ni kahit anong gusali at ang balita ko’y nailit na ito ng bangko,” pahayag pa ni Echiverri.
Sinabi pa ng alkalde na hindi siya natatakot sa kahit sinoman ang makalaban niya sa election dahil malinaw ang kanyang ginawang proyekto sa lungsod at iyan ay alam ng mamamayan ng Caloocan.