MANILA, Philippines - Tinuligsa kahapon ni Parañaque Rep. Eduardo “EDZA” Zialcita ang pang gugulang umano ng mga kalaban sa politika matapos na iligal na baklasin o nakawin ang kanyang mga tarpaulin sa lungsod.
Sinabi ni Zialcita na hindi pa man nagsisimula ang pormal na kampanya para sa lokal na pamahalaan ay kumilos na ang ilang personalidad sa Parañaque City para tiyakin na hindi mapapansin ang ibang kandidato na tatakbo sa Mayo.
Inireklamo ni Zialcita ang biglang pagkawala ng kanyang mga tarpaulin habang ganito rin umano ang reklamo ng isa pang tumatakbo sa pagka-alkalde sa lungsod na nawalan rin ng kanyang mga poster na pagbati.
Sa impormasyong nakarating sa kampo ni Zialcita, isang barangay chairman na tumangging magpabanggit ng pangalan sa pangambang mapag-initan ang nakakita na isang “red-plate” na sasakyan ang kumuha ng mga naka-display na materyales at pinagsisira.
Dismayado si Zialcita sa pangyayari na nagpapakita umano ng kahandaan ng ibang grupo na gawin ang lahat masiguro lamang ang kanilang pagkapanalo sa darating na halalan. (Danilo Garcia)