MANILA, Philippines - Kakasuhan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide, Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela ang Land Transportation Office at Stradcom sa oras na hindi pa rin makapagrefund sa naibayad nilang Radio Frequency Identification Device fee noong una at ikalawang linggo ng Enero ng taong ito.
Ayon kay Piston Secretary General Goerge San Mateo, mahaba na ang ibinigay nilang palugit sa LTO at Stradcom para maibalik sa kanila ang P350.00 RFID fee dahil hindi naman ito napakinabangan ng mga driver kaya dapat isoli.
Unang inatasan ng Malacañang ang LTO at Stradcom na isoli nito sa unang araw ng Enero ang RFID fee ngunit hindi naman ito naisagawa.
Matatandaan din na pinatigil ng Korte Suprema sa LTO ang paniningil nito ng RFID matapos na katigan ang petisyon ng mga transport groups dahil ito ay ilegal at hindi dumaan sa bidding. Sinasabi rin ng NEDA na walang basbas ng ahensiya ang RFID kayat maging ang Palasyo ay na-bypass ng LTO sa implementasyon nito. (Butch Quejada/Angie dela Cruz)